Nahuli ng mga pulis ang mga suspek na sina Celesta Frogosa alyas Jenny, Josefina Lada alyas Mercedita, 59, at Ma Leonisa Quiambao alyas Mary.
Isinagawa ng Police Intelligence and Operations unit ng MPD (MPD-DPIOU) ang nasabing operasyon matapos magsumbong ang limang nabiktima ng “Sanglang-Tira” ng mga suspek.
Ang “Sanglang-Tira”ay isang uri ng pagsasangla kung saan ang isang pribadong indibidwal ay tumatanggap ng mga isinasanglang lupa o ari-arian mula sa ibang indibidwal at kung sakaling hindi ito matubos, magiging pag-aari na ito ng pinagsanglaan.
Bahagi ng naging modus ng mga suspek ang gamitin ang katauhan ng may-ari ng bahay na nirerentahan lamang nila, pagkatapos ay magpapanggap na mga real-estate agents at isasangla ito gamit ang mga pekeng identification cards at titulo ng lupang kinatitirikan ng bahay na nakapangalan lahat sa tunay na may-ari.
Naganap ang entrapment operation sa kantina ng YMCA building sa Arroceros St., Maynila kung saan kinatagpo sila ng isa sa mga biktimang naghain ng reklamo para ibigay sana ang hinihinging karagdagang P200,000 ng mga suspek.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Art 315 o Swindling Estafa, Art 316 o other forms of swindling; Art 172 o Falsification by private individuals and use of falsified documents, at Art 178 o use of fictitious name and concealing true names.
Samantala, isa pang kasabwat sa krimen na si Anita Frogosa alyas Carmencita ang pinaghahanap pa rin ng mga pulis.