May naitalang 993 bagong kaso ng human immunodeficiency virus o HIV infection ang Department of Health-Epidemiology Bureau noong Hunyo, 2018.
Sa ulat ng HIV/AIDS Registry of the Philippines, ang bilang ng mga naitalang kaso ay mas mababa kung ikukumpara sa 1,015 kaso na naitala at naiulat Hunyo noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng DOH na 77 HIV-related deaths ang naitala noong Hunyo ng taong ito.
Ayon sa tala, umaabot sa 934 ng mga bagong kaso ng HIV o 94 percent ay male patients.
Nakasaad sa ulat ng DOH na sa newly-diagnosed na mga babaeng pasyente, apat sa mga ito ang buntis noong sila ay na-diagnose.
Tatlo sa mga kaso ay mula sa National Capital Region at ang isa ay mula sa Region 7 Central Visayas.
Nanatiling pangunahing mode of transmission ng HIV ang sexual contact na mayroong 977 na kaso o 98 percent.
Samantala, pitong indibidwal ang nakakuha ng virus dulot ng needle sharing ng mga drug users at dalawang kaso naman ang naitala na dahil sa mother-to-child tranmission.
Simula noong unang reported case ng HIV infection sa Pilipinas noong 1984, mayroon nang naitalang 56,275 kumpirmadong kaso ng HIV.
Iginiit naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang kahalagahan ng early detection ng HIV infection.
Anya, sa panahon ngayon ay hindi na death sentence ang HIV.
Dapat umanong wakasan na ang stigma at takot na kadikit ng sakit.
Maari anyang maiwasan ang HIV/AIDS sa pamamagitan ng tamang impormasyon pati ang mga kaso ng kamatayan dulot nito sa pamamagitan ng treatment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.