P108M na pondo para sa 27 barangays sa Maynila intact pa ayon sa City Government
Nilinaw ng pamunuan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na walang pondong inilalabas sa sinasabing 27 ghost Barangays sa lungsod.
Ayon kay Manila City Administrator Atty. Ericson Alcovendas – intact o hindi ginalaw ang P108 million na pondo mula sa Real Property Tax shares para sa naturang 27 barangays.
Paglilinaw ni Alcovendas, sa 896 Barangays ng Maynila ay 27 sa mga ito ang nasa ilalim ng boundary disputes kaya’t nakabinbin ang paglalabas ng pondo para sa mga ito.
Sa ngayon ay patuloy pa aniyang nireresolba ng konseho ng Maynila ang nasabing usapin at sa oras na madesisyunan ito ay agad na ibibigay ang nakatabing pondo mula sa real properly tax share.
Kung sakali man aniyang mabinbin ang pagresolba sa boundary disputes ay handa nilang pagparte-partihin ang naitabing pondo sa lahat ng mga Barangays sa Maynila.
Nilinaw din ng opisyal na walang ghost barangays sa lungsod at walang pondong nawawala.
Matatandaang naglabas ang COA ng report patungkol sa Real Property Tax shares ng mga barangay sa lungsod kung saan nakahati ito sa 923 kahit pa 896 lang ang nakalista sa liga ng mga barangay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.