Isinantabi na muna ng grupo nina Albay Representative Edcel Lagman at Marikina Representative Miro Quimbo ang posibilidad na kuwestyunin sa Supreme Court kung kikilalanin ng Kamara bilang minority ang grupo ni Quezon Representative Danilo Suarez.
Ayon kay Lagman, malabo na ang posibilidad na kwestyunin pa ng kanilang grupo kung kikilalanin sina Suarez dahil 10 buwan na lamang ang natitira sa 17th Congress.
Bukod sa sayang aniya ang oras ay baka hindi na ito mapagpasyahan ng Korte bago matapos ang 17th Congress.
Sinabi naman ni Magdalo Representative Gary Alejano, hindi na dapat pagtalunan kung sino ang minorya dahil kung numero ang pag-uusapan ay sila na ang panalo.
Isinantabi naman ni Caloocan Representative Egay Erice ang posibilidad na pakikipag-alyansa sa grupo ni Suarez dahil hindi aniya nila kinikilala ang fake minority.