Sinabi ng Armed Forces of the Philippines na kahit anong teroristang grupo ay maaaring umako sa responsibilidad sa karumal-dumal na pagsabog sa Lamitan, Basilan.
Ang pahayag ay matapos akuin ng Islamic State ang naturang terror act.
Sa Amaq news agency ng IS ay inako nito ang pagsabog at tinawag na isang ‘martyrdom operation’.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo, ang pag-angkin ng IS ay tila pagpapatibay lamang sa kanilang propaganda.
Gayunman, hindi naman anya iniitsapwera ng AFP ang posibilidad na ang ang IS nga ang nasa likod ng pagsabog ngunit posible rin umanong may ibang grupong responsable rito tulad ng Abu Sayyaf Group.
Iginiit ni Arevalo na batay sa mga ulat na kanilang natatanggap, talagang ang itinuturong salarin ay ang ASG.
Gusto umano ng bandidong grupo na maagapan ang paghina ng kanilang pwersa sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagsasagawa ng isang pag-atake na magpapahayag ng kanilang lakas at upang makatanggap ng pondo mula sa labas ng bansa.
Nanindigan naman si Arevalo na hindi hihinto ang mga awtoridad upang maaresto ang mga responsable sa pagsabog.
Nanawagan ang opisyal sa publiko na maging mapagmatiyag at ipagpatuloy ang kanilang aktibong pakikipag-ugnayan sa pulis at military ukol sa kahina-hinalang mga aktibidad.