P7.4M party drugs nasabat sa Quezon City

By Justinne Punsalang August 02, 2018 - 04:26 AM

Contributed photo

Mahigit P7 milyong halaga ng iba’t ibang party drugs ang nasabat ng mga operatiba sa ikinasang buy bust operation sa kahabaan ng Tomas Morato, Quezon City.

Nakilala ang mga arestadong drug suspek na sina Hazel Grace Lanugan, 21 taong gulang at live-in partner na si Rafael Tadoran, 21 taong gulang; at Warren Calicdan, 34 na taong gulang.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, narekober mula sa mga suspek ang 2,756 tableta ng escatasy, 248 kapsula ng esctasy, 100 gramo ng powder ecstasy, at 7.3 litro ng liquid ecstasy na mayroong kabuuang street value na mahigit P7.4 milyon.

Bukod pa ito sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga naman ng P680,000.

Ani Eleazar, mga party-goers o mga nagtutungo sa bar ang parokyano ng mga suspek.

Maituturing aniyang malaking kawalan sa kalakaran ng iligal na droga ang pagkakaaresto sa tatlo at pagkakasabat sa kanilang tinutulak na droga.

Mahaharap ang tatlong mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

TAGS: ecstasy, shabu, ecstasy, shabu

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.