Nilinaw ni Budget Sec. Benjamin Diokno na isang fake news ang mga ulat na palubog na ang ekonomiya ng bansa dahil sa malaking utang.
Sinabi ni Diokno na maituturing na espekulasyon lamang ang nasabing ulat dahil negatibo ang dating sa ilang grupo ng paggamit ng foreign loans sa pagpondo sa mga big ticketed projects ng pamahalaan lalo na sa ilalim ng Build Build Build program.
Sa kabila ng mataas na utang sa ibang bansa lalo na sa China ay sinabi ng kalihim na nananatiling maganda ang takbo ng ating ekonomiya.
Bagaman ang utang ng Pilipinas ay umaabot na sa P7 Trillion ay maganda rin namang tingnan ang gross domestic product (GDP) na umaabot naman sa P20 Trillion ayon pa sa kalihim.
Ipinaliwanag rin ng opisyal na kahit umuutang sa labas ng bansa ang Pilipinas at dumadaan naman ito sa threshold rate of return na 10 percent.
Nangangahulugan ito na ang rate return na 10 percent ay malaking bawas sa impact ng dagdag na utang lalo na sa financial stability ng bansa.
Aabot naman sa P8 Trillion ang pondo ng pamahalaan sa Build Build Build program kung saan ang perang nakalaan dito ay huhugutin sa buwis na sinisingil ng pamahalaan.