19 na inaresto sa protesta sa NutriAsia nakalaya na

Nakalaya na mula sa pagkakabilanggo ang labingsiyam na katao na ikinulong matapos mauwi na naman sa gulo ang protesta ng mga manggagawa ng NutriAsia.

Nagpalipas ng magdamag sa Meycauayan Police Station ang tinaguriang “NutriAsia 19” na kinabibilangan ng mga manggagawa ng naturang kumpanya, at ilang mag-aaral at media.

Ikinulong sila at inireklamo ng alarm and scandal sa piskalya pero nagpalabas ng release order ang City Prosecutor’s office ng Meycauayan.

Sa larawang ibinahagi ni BAYAN Sec. Gen. Renato Reyes makikita mga pinalaya nang indibidwal.

Ang protesta ng mga manggagawa ng NutriAsia ay nag-ugat matapos atasan ng DOLE ang kumpanya na gawing regular ang 80 manggagawa nito mula sa contractor na AsiaPro.

Pero ayon sa mga manggagawa, 800 na empleyado ang dapat na maregular sa pwesto.

Ang protesta ay umabot na sa mga panawagan sa social media na iboykot ang mga produktong gawa ng NutriAsia.

Read more...