Napoles, 5 iba pa sinampahan ng kasong international money laundering

By Donabelle Dominguez-Cargullo August 01, 2018 - 10:15 AM

Kinasuhan ng US federal grand jury ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles at limang iba pa na pawang kaniyang kapamilya dahil sa pagsasabwatan para mailabas-masok sa Estados Unidos ang ang malaking halaga ng salapi na pinaniniwalaang maanomalya nilang kinita.

Sa pahayag ng US Department of Justice, kabilang sa mga napatunayang guilty sa kasong conspiracy to commit domestic and international money laundering ay sina:

Janet Lim Napoles, 54
Jo Christine Napoles,34
James Christopher,33
Jeane Catherine,28
Reynald Luy Lim, 52;
Ana Marie Lim, 47.

Ayon sa US Department of Justice, ang $20 million na inilabas-masok sa Amerika ng pamilya Napoles ay nakuha nila sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas sa Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno.

Binanggit din sa pahayag na ang mga non-governmental organizations na pinamumunuan ni Napoles ang nakakakulha ng kontrata kung saan kunwari ay gagamitin ang PDAF para sa mga proyekto na hindi naman talaga nangyayari o ginagawa.

Ang $20 million ay unti-unting ipinadala umano sa Pilipinas sa pamamagitan ng money remitters at pagkatapos ay inihulog sa bank accounts sa Southern California at saka ipinambili ng real estate, ginamit sa dalawang negosyo, ipinambili ng dalawang Porsche Boxters, at ginamit panggastos nina Jeane Napoles, Reynald Lim at Ana Lim na nakatira sa Amerika.

Sa record ng naturang kaso, nagsimula ang imbestigasyon noong Sept. 2012 nang ito ay matuklasan. Matapos umanong maaresto si Janet Napoles sa Pilipinas noong August 2013, inumpisahan nang i-liquidate ng pamilya ang kanilang yaman sa US at saka pa-sikretong inilipat ang mga ito sa Pilipinas, at sa iba pang accounts nila sa US at United Kindom.

Ayon kay US Attorney Nick Hanna, kahit umamin si Napoles sa pagkakasala niya sa Pilipinas at pakikipagsabwatan niya sa mga mambabatas para sa mga ghost projects, patuloy ang pagtangka ng kaniyang pamilya na gamitin sa personal na pangangailangan nila ang mga perang kinita nila sa krimen.

Kasabay nito, sinabi ni Hanna na nakikipag-ugnayan na sila sa counterpart nila sa Pilipinas para ma-extradite sa Amerika ang mga nahatulan kabilang na si Janet Napoles.

Sa ngayon, umaabot sa $12.5 million na pag-aaring real estate ni Napoles sa Southern California ang hawak ng US Attorney’s Office at sumasailalim sa civil forfeiture case.

Sakaling tuluyang iutos ng korte ang forfeiture o pagbawi sa mga ito, makikipag-ugnayan ang US sa Pilipinas para maisauli ang nakaw na yaman sa pamahalaan.

Ayon sa US authorities patuloy ang ugnayan nila sa Department of Justice ng Pilipinas, Office of the Ombudsman, Anti-Money Laundering Council, at sa Commission on Audit.

Hindi naman malinaw kung paanong maipapa-extradite sa US si Napoles para harapin ang kaso dahil kasalukuyan itong nakakulong sa kasong plunder.

TAGS: janet lim-napoles, Radyo Inquirer, janet lim-napoles, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.