Publiko muling binalaan sa pagsakay sa kolorum na sasakyang pandagat
Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na huwag tangkilikin ang mga kolorum na mga sasakyang pandagat partikular na ang mga barko.
Ito’y dahil sa peligro na maaring idulot nito sa mga mananakay.
Ang babala ay ginawa ng PCG matapos lumubog ang isang motor banca na may sakay na 12 katao sa Culasi point sa Roxas City sa lalawigan ng Capiz noong Hulyo 29.
Mabilis naman na nakapag responde ang Search and Rescue Team ng Coast Guard Station Capiz sa lugar kung saan nadatnan pa nila na kalahati na ng FV San Juan ang nakalubog.
Ligtas namang nasagip ang lahat ng sakay at tripulante ng naturang sasakyang pandagat.
Nabatid na inarkila ng isang Jesus Ziban ang nabanggit na bangka mula sa Peoples Park, Brgy. Baybay, Roxas City patungo ng Tuwad Island, pero nang pabalik na ito ay sinalubong ng malalaking alon dahilan para lumubog.
Sa inisyal na imbestigasyon nabatid na hindi otorisado ang naturang bangka na magsakay ng mga pasahero.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang operator at kapitan ng bangka dahil sa pagbiyahe ng kolorum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.