WATCH: Online booking sa visa ng Hajj pilgrims, apektado ng system glitch
Aabot sa 86 na pilgrims na patungo sana ng Mecca at Medina sa Saudi Arabia para sa taunang Hajj ang apektado ng umano’y systems glitch ng e-portal na gamit ng Bureau of Pilgrimage and Endowment ng Kingdom of Saudi Arabia.
Sa isang press conference sa tanggapan ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa Quezon City, sinabi ni Secretary Saidamen Pangarungan na nagka-aberya ang online booking sa visa ng mga pilgrim na paalis sana noong Lunes, July 23.
Ngayon pa lang ay nililinaw na ni Sec. Pangarungan na walang kinalaman ang usapin sa seguridad at diskriminasyon sa nangyaring problema sa biyahe ng mga kapatid nating muslim na galing ng Basilan at iba pang lalawigan sa Mindanao.
Pero ayon kay Pangarungan, nasolusyunan na ang problema matapos na personal itong makipag-ugnayan kay Saudi Arabian Ambassador to the Philippines Abdullah Bin Nasser Al Bussairy.
Sa ngayon, ayon kay Pangarungan, nasa pangangalaga na ng NCMF ang pilgrims na pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang hotel sa lungsod ng Maynila bago ang last flight para sa kanila sa darating na August 6.
Batay sa record ng NCMF, noong nakalipas na taon umabot sa mahigit 7,000 Muslim Filipino pilgims ang nagtungo sa Mecca para sa Hajj na ginaganap tuwing buwan ng Agosto.
Ang Hajj ay isang taunang religious activity ng mga Muslim bilang ritwal na pagsunod sa aral ng kuran na dinarayo ng milyung-milyong Muslim sa iba’t ibang panig ng mundo.
May ulat si Jong Manlapaz:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.