Pagdinig para sa P3.767T 2019 budget, sisimulan na bukas

Magsisimula ang deliberasyon sa panukalang P3.767 trillion 2019 budget sa itinakdang petsa.

Ito ang iginiit ni House Appropriations Committee Chairman Cong. Karlo Nograles at sinabing bukas, Martes, July 31 ay sisimulan na ang mga pagdinig sa panukala.

Ayon kay Nograles, kinikilala ng Mababang Kapulungan ang kahalagahan ng maagang pagpasa sa national budget.

Anya, magsisikap ang Appropriations Committee na maipasa ang pinakamagandang bersyon ng General Appropriations Act (GAA) nang napapanahon.

Kinumpirma na rin ni Nograles na opisyal na nitong natanggap ang National Expenditure Program (NEP) mula sa tanggapan ni House Speaker Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Ang NEP ang magiging basehan para sa 2019 GAA.

Naniniwala naman si Nograles na tulad ng pagratipika sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ay hindi papayagan ni Arroyo ang pagkabalam ng deliberasyon para sa pambansang budget.

Ikinagalak ni Nograles ang maayos na paglilipat ng mga gawain sa Kamara mula sa dati at bagong liderato.

Sa panukalang 2019 budget, pinakaprayoridad pa rin ng administrasyong Duterte ang sektor ng edukasyon na sinundan ng Department of Public Works and Highways upang bigyang daan ang mga proyektong pang-imprastraktura.

Read more...