3 holdupper, 1 sibilyan patay sa engkwentro sa Quezon City

By Justinne Punsalang July 30, 2018 - 04:48 AM

Nasawi ang tatlong holdupper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa panulukan ng Dr. P. Garcia Street at Panay Avenue na sakop ng Barangay Paligsahan, Quezon City.

Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang mga suspek.

Sa kasagsagan ng engkwentro ay nadamay naman ang isang sibilyan na nasawi matapos matamaan ng bala. Kinilala ito na si George Marcelino na isang empleyado ng Pilipino Star.

Nabatid na napadaan lamang sa lugar si Marcelino nang madamay sa palitan ng putok.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, nagsasagawa lamang ng pagmamanman sa lugar ang mga operatiba ng QCPD District Special Operations Unit (DSOU) nang matiyempuhan ang panghoholdup ng mga suspek na sakay ng isang tricycle.

Isang babae na patungo lamang sa kalapit na mall ang pinagnakawan ng mga holdupper.

Nang aktuhan ito ng mga pulis ay agad na nagpaputok ang mga suspek, kaya nauwi sa engkwentro ang insidente.

Sa una ay inakala ng mga otoridad na lahat ng mga suspek ay nasawi. Ngunit sa kalagitnaan ng pagpoproseso ng SOCO ay nakita nilang humihinga pa ang isa sa mga ito.

Agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklara ng mga doktor na dead on arrival.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang kalibre 38 baril.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.