Ex-PNoy hiniling ang transparency ni Pangulong Dutrte tungkol sa West Philippine Sea dispute
Humihirit si dating Pangulong Noynoy Aquino kay Pangulong Rodrigo Duterte na maging transparent kaugnay sa mga hakbang na ginagawa ng gobyerno laban sa China ukol sa West Philippine Sea dispute.
Pakiusap ni Aquino sa pangulo, ipakita ang mga negosasyon na pinasok ng gobyerno para mawala ang agam-agam ng taumbayan na hinayaan ng Pilipinas ang China na kamkamin ang mga isla sa West Philippine Sea.
Matatandaang sa ikatlong State of the Nation Address (SONA), sinabi ng pangulo na bagaman maganda na ang relasyon ng dalawang bansa ngayon, hindi ito nangangahulugan na isinusuko na ng Pilipinas ang mga teritoryo sa China.
Hindi rin komportable si Aquino sa ibinibida ng pangulo na hinahayaan na ng China ang mga Pilipinong mangingisda na makapangisda sa West Philippine Sea.
Katwiran ni Aquino, ang Pilipinas ang mayroong exclusive economic zone sa lugar kung kaya mali na sabihing pinahihintulan na ng China na makapangisda ang mga Pilipino sa naturang lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.