Pinatunayan ni Ara Galang na hindi siya magpapatalo sa kanyang natamong injury.
Ito ay matapos niyang pangunahan ang pagkapanalo ng F2 Logistics sa kanilang naging tapatan kagabi ng Petron para sa best-of-three finals ng Philippine Superliga Invitational Conference.
Natapos ang laro sa iskor na 25-18, 23-25, 25-23, at 25-18, pabor sa F2 Logistics.
Dahil dito ay itinanghal nang 2018 PSLInvitational Cup champion ang nasabing koponan.
Dahil rin sa kanyang magandang performance ay itinanghal si Galang bilang Most Valuable Player (MVP) ngayong taon.
Taong 2015 sa kasagsagan ng Final Four ng UAAP Season 77 nang magtamo ng injury sa kanyang kaliwang binti si Galang.
Ngunit aniya, tinalo niya ang kanyang injury at pinilit ang kanyang sarili na ibigay ang lahat ng kanyang makakaya upang muling makapaglaro at maipanalo ang laro.
Aniya pa, maituturing niyang bonus ang MVP award dahil ang tangi niyang gusto ay makamit ng kanyang koponan ang kampeonato.
Samantala, ang kanyang teammate na si Mary Joy Baron ang itinanghal bilang second best middle blocker. Best setter at librero naman ang nakuha nina Kim Fajardo at Dawn Macandili na kasama niya rin sa F2 Logistics.