Bilang ng patay sa lindol sa Lombok, Indonesia pumalo na sa 10
(Updated) Pumalo na sa 10 katao ang bilang ng nasawi habang halos 40 ang sugatan matapos tumama ang magnitude 6.4 na lindol sa Lombok, Indonesia, araw ng Linggo.
Sa inilabas na pahayag ni Sutopo Purwo Nugroho, tagapagsalita ng disaster mitigation agency ng bansa, nag-panic ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay at mga hotel.
Sinundan aniya ng dalawang malakas na pagyanig ang lindol at naitala ang mahigit 60 aftershocks.
Aniya, posible pang tumaas ang bilang ng casualty dahil hindi pa tapos ang pangongolekta ng impormasyon ng otoridad.
Sa ngayon, sinabi ni Nugroho na pansamantalang isinara ang hiking trails ng Mount Rinjani dahil sa posibleng landslide.
Ayon sa US Geological Survey, naitala ang episentro ng lindol sa layong 49.5 kilometers northeast ng isla ng Mataram dakong 6:47 ng umaga.
May lalim ang lindol na pitong kilometro.
Matapos ang halos isang oras, nagkaroon ng aftershock sa lugar na may lakas na magnitude 5.4.
Sinabi rin ni Hary Tirto Djatmiko, tagapagasalita ng geophysics ang meteorology agency na walang inilabas na tsunami alert bunsod ng pagyanig.
Ang Lombok ay kilalang tourist destination sa Indonesia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.