Nadagdagan pa ang bilang ng patay sa pananalasa ng tatlong magkakasunod na bagyo at mga pag-ulan na dala ng hanging Habagat.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa siyam ang nasawi sa kalamidad.
Ang mga nasawi ay mula sa Rizal, Antique, Mt. Province, Pangasinan, Negros Occidental, Negros Oriental, Malabon at Caloocan City.
Pawang mga pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima dahil sa naranasang pagbaha sa maraming lugar dulot ng mga pag-ulan.
Sa listahan ng NDRRMC, kinilala ang mga nasawi na sina Ailyn Sison, 19; Luisa Pelew, 54; Angelito Jipulan, 43; Renier Mendoza, 32; Jan Darwin Relucio, 11; Jerwin Geul, 13; Andrew Agapito, 3; Rosalie Agapito; 6; Winlito Tercio, 15; Frauline Magwa, 29; at Brix Boticario, 17.
Ayon pa kay NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga casualties dahil nagpapatuloy ang validation ng ahensya sa mga lugar na apektado ng pagbaha.
Nanatili namang lubog sa tubig baha ang ilang mga lugar sa Region kabilang ang 30 barangay sa Bulacan, 15 barangay sa Nueva Ecija at nasa 74 na barangay sa Pampanga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.