Sa inilabas na desisyon ng Metropolitan Trial Court ng Taguig sa grave coercion case, guilty ang hatol kina Lee at mga co-accused na sina Deniece Cornejo at Jed Fernandez.
Sinabi ni Navarro na sobrang saya niya dahil nangibabaw ang hustisya.
Mas mapapanatag umano ang kanyang kalooban kapag nasa loob na ng kulungan ang mga gumawa sa kanya ng pananakot at pananakit.
Gayunman, inamin nito na nagbalik sa kanyang alaala ang pinaggagawa sa kanya noong 2014 gaya aniya ng pananakit, pananakot, pagbabanta sa kanyang pamilya, kasama na ang pagtutok sa kanya ng baril at pagpirma sa isang bagay na hindi naman niya kagustuhan.
Si Vhong ay nasa Los Angeles, California para sa “It’s Showtime” nang ilabas ng korte ang desisyon.
Bukod sa grave coercion, may dalawa pang kaso ang nakasampa laban sa kampo ni Lee.
Umaasa si Navarro na magiging paborable sa kanya ang desisyon sa nasabing dalawang kaso.