Concert ni Charlie Puth sa Pilipinas, kinansela

Inanunsiyo ng Music Management International Live o MMI Live ang kanselasyon ng Manila leg ng Voicenotes Tour ng Grammy Award-nominated singer na si Charlie Puth.

Ayon sa concert promoter, hindi na matutuloy ang concert ni Puth na nakatakda sana sa darating na November 6, 2018 sa Mall of Asia Arena dahil sa “unforeseen circumstances”.

Dagdag dito ay nagpasalamat ang MMI Live sa patuloy na pagtangkilik at pasuporta ng mga tao.

Magsisimula ngayong araw July 28 ang refund para sa mga nakabili na ng tickets.

Para sa mga nag-cash payment na bumili sa mga SM Department Stores, Eastwood City at Lucky Chinatown ay maaring magtungo sa Mall of Asia Arena sa Coral Ticket Booth.

Habang ang mga bumili naman sa mga SM Cinema Outlets ay maaring magtungo sa branch kung saan nabili ang ticket para sa refund.

Para naman sa gumamit ng credit at debit card para makabili ng ticket ay maaring tumawag sa SM Tickets Hotline na 470-222 para sa mga katanungan sa credit at debit card reversal process.

Nakilala si Charlie sa kanyang mga hit single na “See You Again” na naging bahagi ng isa sa mga pelikula ng Fast and Furious film franchise at sa mga kantang “Marvin Gaye” at “One Call Away”, “We Don’t Talk Anymore”, “Attention, “How Long”, “Done for Me” at “The Way I Am”.

Ang nasabing concert ay ang pangatlong concert na sana ng American singer na una ng nagtanghal sa bansa noong October 2015 sa Eastwood City at noong August 2016 sa Kia Theater sa Cubao.

Read more...