COLUMN: Bukolerong PR man nuknukan ng yabang – Wacky Leaks ni Den Macaranas

By Denevin Macaranas July 27, 2018 - 05:04 PM

Hanggang ngayon ay umuusok ang mga ilong sa galit ng ilang mediamen na dating nagta-trabaho bilang mga online writers sa isang political website.

Bakit nga naman hindi, bagaman maraming taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin binabayaran ng isang public relation “expert kuno” ang SSS contributions at salaries ng kanyang mga dating tauhan.

Habang abala sa kanyang kayabangan sa facebook ang bida sa ating kwento na kalbong PR expert ay hindi naman niya magawang tumingin sa mga mata ng mga dating kasamahan na kanyang binukulan.

Kamakailan lamang ay nasalubong niya sa isang mall ang dati niyang writer na kanyang hindi binayaran ng sweldo at hulog sa SSS.

Imbes na kumustahin o kaya ay bayaran ay nagmamadali itong umiba ng daan na tila ay nakakita ng multo.

Ibang iba ito sa kayabangan na kanyang ipinakikita sa mga kliyente na karamihan ay galing sa hanay ng oposisyon.

Parang pelikula lang na akala mo matapang lalo na kung birahin online ang kasalukuyang administrasyon pero sa totoong buhay ay nuknukan ng duwag ayon pa sa aking cricket.

Kung tutuusin ay kaya namang bayaran ni Mr. PR man ang mga dating tauhan dahil malaki ang kanyang tinatanggap na bayad mula sa mga kliyente.

Madalas pa nga na ipagyabang nito na galing sa isang powerful na Pinay sa New York ang kanyang pera na kabayaran sa kanyang mahusay daw na PR works.

Pero sa totoo lang ay daig pa ng ating bida ang mga hao shao na manghuhula sa Quiapo sa dami ng kanyang mga sablay.

Pinakahuli dito ang kanyang post sa FB na nagsasabing babaliktad daw ang dalawang mahistrado ng Supreme Court sa nauna nilang desisyon sa quo warranto petition laban kay dating CJ Maria Lourdes Sereno pero kabaliktaran ang naging resulta nito.

Ang PR man na hindi marunong magbayad sa kanyang pagkakautang pero sobra naman ang kayabangan ay si Mr. L.P…as in Lalaking Panot.

TAGS: column, Wacky Leaks, column, Wacky Leaks

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.