Nasa 10.4 bilyong pisong halaga ng droga, pati mga kemikal na sangkap at mga gamit sa paggawa ng ipinagbabawal na gamot ang sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Ginawa ito sa The Integrated Waste Management, Inc. (IWMI) sa Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Ito ang pinakamalaking halaga ng droga at gamit sa paggawa na sinira ng PDEA sa kasaysayan ng ahensya.
Sinira sa aktibidad, na pinangunahan ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, ang mga nakumpiskang drug at non drug evidence at mga ibinigay sa kanila ng ibang ahensya na pinasisira na ng korte.
Kabilang sa sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition ang nasa mahigit isang milyong gramo ng shabu; marijuana; ephedrine; cocaine; diazepam; ecstasy; amphetamine; cocaine + levamisole; cocaine + levamisole + phenacetin; methyl-ephedrine; dimethylamphetamine; dimethyltryptamine at mga expired na medisina; 4,444 litro ng liquid shabu; 12,750 ml. ng liquid cocaine at 5 ml. ng toluene.
Ito ang pang-limang destruction ceremony na pinangunahan ni Aquino sa sampung buwan nito sa PDEA.
Sinaksihan ang seremonya ng mga kinatawan mula sa Department of Justice, Department of Interior and Local Government at lokal na pamahalaan ng Trece Martires.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.