Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Department of Transportation o DOTr-Metro Rail Transit o MRT-3 sa abalang naidulot ng suntukan ng dalawang pasahero sa loob ng isang tren.
Naganap ang insidente sa isang southbound train kahapon (July 26), dakong 6:35 ng gabi.
Batay sa report ng MRT-3 Safety and Security Unit, nag-umpisa ang tensyon nang hipuan daw ni Joselito Nilo, 31-anyos at taga-Caloocan City, ang maselang bahagi ng katawan ni Ronel Valdez, 27-anyos at taga-Sta.Mesa, Maynila.
Dahil dito, nagkabugbugan ang dalawang pasahero, na nagdulot ng gulo sa loob ng bumibiyaheng tren.
Sina Nilo at Valdez ay dinala ng MRT-3 security personnel sa istasyon ng pulis sa Ayala station, pero nagkasundo sila na huwag nang i-akyat ang isyu sa higher authority at sa halip ay nagkaroon na lamang ng settlement.
Gayunman, sinabi ng MRT-3 management na magsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon ukol sa insidente at titingnan ang posibilidad ng paghahain ng kaso laban sa dalawang pasahero dahil sa gulong idinulot nila sa kasagsagan ng operasyon ng tren.
Upang matiyak naman ang “peace and order” at kaligtasan ng mga mananakay, umapela ng MRT-3 sa mga pasahero na sumunod sa rules and regulations at i-ulat sa mga otoridad ang anumang malisyoso at hindi tamang asal o gawain sa MRT-3 premises.
Suportado naman ng DOTr ang mga hakbang ng MRT-3 para masigurado ang ligtas na operasyon ng mga tren habang nagbibigay-serbisyo sa libu-libong pasahero araw-araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.