Pagpapa-aresto kina Ocampo, Mariano, Casiño at Maza, kinondena ng Makabayan
Kinondena ng Makabayan Bloc ang inilabas na warrant of arrest laban kina dating Congressmen Satur Ocampo, Rafael Mariano, Teddy Casiño at Liza Maza.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Rachel Pastores na maghahain ang kanilang kampo ng motion for reconsideration at maghahanap ng iba pang legal remedies upang maprotektahan ang apat.
Aniya, sampung taon na ang nakalilipas nang isampa ang kasong double murder sa Palayan City Branch 40, na kaugnay sa pagkamatay ng mga kritiko ng Bayan Muna sa Nueva Ecija.
Pero nakapagtataka na buhay pa rin ang kaso, na malinaw na ginagamit para gipitin at sikilin ang karapatan ng mga naturang militanteng mambabatas.
Dagdag ni Pastores, walang bagong ebidensya at walang mga testigo kaya ano ang basehan ng korte para sabihing may probable cause laban sa apat na dating partylist solons.
Hindi nakaharap sa pulong balitaan sina Ocampo, Mariano, Casiño at Maza, pero may statements sila na binasa ng mga kasamahan sa Makabayan.
Sa pahayag ni Casiño, na binasa ni dating Bayanmuna Partylist Rep. Neri Colmenares, ang kaso aniya ay bahagi ng “desperate witchhunt” at lalong nakakatakot daw dahil nabuhay ito sa ilalim ng Duterte-Arroyo-Marcos alliance.
Tinawag naman nina Mariano at Ocampo na walang basehan ang kaso, at iginiit sa korte na ibasura na ito.
Sa panig naman ni Maza, ang kaso ang isang sistematikong hakbang upang paalisin ang mga miyembro ng progresibong grupo sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.