BREAKING NEWS: Pilipinas hindi na sasali sa Asian Games

Inanunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi na sasali ang national team sa basketball tournament para sa 2018 Asian Games.

Sa isang statement na inilabas ng SBP, ang naturang desisyon ay kasunod ng naganap na suntukan sa pagitan ng koponan ng Pilipinas at Australia sa FIBA World Cup Qualifiers noong July 2, 2018.

Ayon sa SBP, kailangang maghanda ang national team para sa pag-apela nito sa desisyon ng FIBA Disciplinary Panel. Bukod pa ito sa paghahanda rin at regrouping ng organisasyon para sa mga susunod na torneong sasalihan ng bansa katulad ng nalalapit na pagpapatuloy ng FIBA World Cup Qualifiers at 2023 FIBA Basketball World Cup.

Nagpasalamat naman ang SBP sa Rain or Shine, partikular sa mayari nito na sina Terry Que at Raymond Yu, maging kay NLEX Coach Teng Guiao at Rain or Shine Coach Caloy Garcia dahil sa kanilang kahandaang i-represent sana ang bansa sa Asian Games.

Humihingi naman ng tawad ang SBP sa organizers ng Asian Games, mga taga-hanga ng Philippine team, at sa buong basketball community dahil sa kanilang desisyong mag-withdraw sa torneo.

Pagtitiyak ng SBP, nangangako ito na kanilang titiyakin ang mas maayos na performance ng kanilang koponan sa hinaharap.

Read more...