Sa 2017 COA Report, gumastos daw si Montano ng P2.276 million para sa kanyang biyahe sa mga bansa sa Asia, Europe, Australia at Notrth America noong nakalipas na taon.
Sinabi ng COA na may kabuuang labing apat na foreign trips si Montano noong 2017, o katumbas ng siyamnapu’t isang araw.
Nasilip pa ng ahensya na bumiyahe si Montano sa Russia, Canada at Amerika sakay sa “business class” na nagkakahalaga ng aabot sa P594,000.
Taliwas ito sa mga executive order na nag-aatas sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na bumiyahe “on economy” lamang.
Bukod dito, kinuwestyon pa ng COA ang pagpapadala ng TPB ng mga tauhan na wala namang kinalaman sa foreign travels, kabilang na rito ang Private Secretary ni Montano.
Aabot umano sa P2.995 million ang nagastos para sa Private Secretary at Executive Assistant, na kasama ni Montano sa labing isa mula sa labing apat na foreign trips niya.
Giit ng COA, dapat ay humanap noon ang TPB ng mga paraan upang mabawasan ang gastos.
Samantala, pinarerefund ng COA kay Montano at dalawang alalay nito ang mahigit sa P60,000 na para sana sa mga ticket upang makadalo sa Philippine Business Mission sa Japan, subalit hindi nadaluhan ng tatlo.
Matatandaang nagbitiw si Montano sa pwesto sa kasagsagan ng isyu ng katiwalian laban sa kanya, gaya ng P80 million Buhay Carinderia project na bagama’t hindi kumpleto ay nakakubra raw ng pera ang aktor.