DFA pinagpapaliwanag sa P10-M na pondo para sa mga OFWs
Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa hindi paggamit ng P10.7 Million na halaga ng tulong mula sa ibang bansa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at mga biktima ng bagyo.
Sa 2017 audit report, sinabi ng COA na ang DFA ay mayroong P9.78 million na “end of service benefits” (EBS) mula sa 11 foreign service points, siyam dito ay Philippine embassies at dalawang consular offices.
Dagdag ng COA, halos P6 Million ng ESB funds na mula 2015 at nakalipas pang mga taon ang hindi pa rin nagagamit.
Nakasaad pa sa audit report na P947,049.40 na halaga ng donasyon, na para sa mga biktima ng mga Bagyong Ondoy, Yolanda at Frank at ang tulong pinansyal para sa mga OFW na sina Wilfredo Bernales sa Jeddah at Manuel Edgardo sa Chile, ang wala pang natatanggap bilang beneficiaries.
Hinimok ng COA ang DFA na obligahin ang kanilang chief accountant para kumpirmahin ang naturang mga pondo at utusan ang kanilang foreign service posts na i-remit ang tulong pinansyal sa head office para sa tamang paggamit.
Sinabi naman ng DFA na maglalabas ito ng department circular na mag-aatas sa lahat ng kaukulang embahada at konsulada na i-remit ang lahat ng benepisyo at donasyon para sa mga OFW at biktima ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.