Pagsuspendi sa TRAIN law, makasasama sa Pilipinas – Briones

By Chona Yu July 25, 2018 - 12:50 PM

 

Inquirer file photo

Naniniwala si Department of Education Secretary Leonor Briones na hindi makabubuti at sa halip ay lalo pang makasasama sa ekonomiya ng bansa kung sususpendihin ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Briones, na dating National Treasurer, na hindi ang TRAIN law ang dahilan ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin kundi ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay Briones, ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng pamamaraan para makaagapay ang bawat pamilyang Pilipino partikular na ang mga mahihirap.

Nagbabala naman ang kalihim na malaki ang magiging problema ng Pilipinas kung aaprubahan ng Kongreso ang 2019 National Budget at hindi aaprubahan ang iba pang package na nakapaloob sa TRAIN law dahil kakapusin ang pondo ng bayan.

Ibig sabihin, mangungutang na naman ang Pilipinas upang mapondohan ang mga nakapilang proyekto ng pamahalaan.

Iba’t ibang grupo at kritiko ang nananawagan sa gobyerno na suspendihin ang TRAIN law.

Subalit sa kanyang ikatlong State of the Nation Address o SONA, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ng hindi uubra ang suspensyon ng TRAIN law at hindi tamang isisi sa batas ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Nanawagan pa ang presidente sa Konteso na ipasa ang Package 2 ng TRAIN law, na posible raw niyang mapirmahan bago matapos ang taon.

 

TAGS: Deped Secretary Leonor Briones, train law, Deped Secretary Leonor Briones, train law

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.