8 patay dahil sa Bagyong Henry, Inday at Josie
Walong indibidwal ang patay sa pananalasa ng mga Bagyong Henry, Inday at Josie sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, ang casualties ay sina: Luisa Pelew, taga-Bontoc, Mountain Province na hindi pa batid ang sanhi ng kamatayan; Angelito Jipulan (taga-Negros Oriental), Jerwin Geul (taga-Baras, Rizal), Jan Darwin Relucio (taga-Caloocan City) at Winlito Tercio (taga-Malabon City) na pawang biktima ng pagkalunod; Renier Mendoza (residente ng Negros Oriental) na nasawi makaraang mahulog ang isang malaking bato sa kanyang bahay; at sina Rosalie at Andrew Agapito (mga taga-Antique) na kapwa namatay dahil sa landslide.
Isa naman ang sugatan, na kinilalang si Frauline Magwa, residente ng Mountain Province, habang patuloy na hinahanap ng mga rescuer si Brix Boticario, mula Cainta, Rizal.
Ayon sa NDRRMC, tinatayang nasa P1.3 billion ang pinsalang idinulot ng mga bagyo kung saan P480 million ay sa imprastraktura at P896 million sa sektor ng agrikultura.
Sa ulat pa ng ahensya, aabot sa siyamnapu’t siyam na road sections at walong tulay sa Regions I, III, Calabarzon, Mimaropa, VI at Cordillera Administrative Region ang naapektuhan ng kalamidad.
Sa mga naturang rehiyon, 566 na lugar ang nakaranas ng mga pagbaha pero humupa na ang tubig sa 321 areas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.