Prince Harry at Elton John nagsalita para sa HIV awareness
Nakiisa sina Prince Harry, Elton John, at Charlize Theron sa isang HIV/AIDS conference na ginanap sa Amsterdam, Netherlands.
Sa ika-22 International AIDS Conference ay inilunsad ang MenStar na isang HIV awareness project na target ang mga kalalakihan partikular ang mga nasa sub-Saharan Africa.
Ayon kay Prince Harry, layunin ng MenStar na kalabanin ang HIV sa pamamagitan ng ugat ng naturang problema — ang kawalan ng awareness o kaalaman tungkol sa prevention ng nasabing sakit, lalo na sa mga liblib na lugar.
Ani Elton John, upang matuldukan ang AIDS ay kailangang makiisa ang mga kalalakihan sa paggawa ng solusyon para dito.
Dagdag pa ng singer, kailangang matuto ang mga kalalakihan na protektahan ang kanilang mga sarili upang hindi na kumalat pa ang HIV/AIDS.
Sa huling datos noong 2016 ng UNAIDS na isang sangay ng United Nations, 36.7 miylong tao sa buong mundo ang mayroong AIDS. At mas mababa pa sa kalahati ng bilang ng mga kalalakihang mayroong sakit ang nakatatanggap ng gamot para dito.
Umaasa ang mga eksperto na pagdating ng taong 2030 ay tuluyan nang mawawakasan ang sakit na AIDS.
Ngunit nagbabala ang UN kamakailan na dahil sa kakulangang £4.6 bilyong pondo ay posibleng mabalam ang naturang deadline sa pagwawakas sa sakit na AIDS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.