Nakapagtala na ng kauna-unahang kaso ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MERS-COV sa bansang Thailand.
Dahil dito, dalawang bansa na sa Asya ang may kumpirmadong kaso ng MERS-COV – ang Thailand at ang South Korea.
Ayon kay Public Health Minister Rajata Rajatanavin, isang 75-anyos na lalaki na dumating sa Thailand galing sa Oman ang nakumpirmadong tinamaan ng sakit.
Bumalik sa Thailand ang nasabing lalaki para magpagamot sa sakit nito sa puso pero ng isailalim sa pagsusuri ay nagpositibo ito sa MERS-COV.
Isinailalim na sa quarantine sa infectious diseases facility ng Thailand ang lalaki.
Ang tatlo pang kaanak nito na kasama niyang bumiyahe ay naka-quarantine na rin sa ngayon.
Ayon kay Rajata, hindi nagpakita ng anomang sintomas ng sakit ang lalaki nang siya ay bumibiyahe pero nagsimulang makaramdam ng hirap sa paghinga habang naka-confine sa isang pagamutan para patignan ang sakit niya sa puso.
Maliban sa tatlong kaanak ng lalaki, kinalap na rin ng Bureau of Epidemiology ng Thailand ang pagkakakilanlan at contact numbers ng 59 katao na nakasalamuha nito. Kabilang dito ang mga health personnel sa Ospital, hotel employees, mga pasaherong malapit sa kaniya sa eroplano at dalawang taxi drivers. / Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.