Ibinunyag ng Palasyo ng Malacañan na mismong si Executive Secretary Salvador Medialdea na ang namagitan sa tensyon nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ngayo’y bagong House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kasama kasi si Medialdea ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Speaker’s Lounge bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA).
May mga kasamahan kasi aniya si Arroyo na kinukwestyon pa ang presensya ni Alvarez sa Speaker’s Lounge gayung hindi na siya ang lider ng Kamara matapos ang botohan para sa bagong speaker.
Sinabi pa ni Roque na magkahiwalay din na kinausap ng pangulo sina Arroyo at Alvarez at hiniling na ipagpaliban na muna ang gusot sa speakership para makapag-umpisa sa kanyang SONA.
Matatandaang naantala nang mahigit isang oras ang SONA ng pangulo dahil sa pag-kudeta kay Alvarez.