Pinaniniwalaang umabot sa daan-daang katao ang kaagad na namatay makaraang mag-collapse ang isang dam sa Timog-Silangang bahagi ng Laos.
Sa ulat ng Laos News Agency, bumigay ang malaking hydroelectric dam sa lalawigan ng Attapeu na kaagad na nagpalubog sa anim na bayan na nakapaligid dito.
Umaabot naman sa higit sa anim na libong mga bahay ang winasak ng rumaragasang tubig ayon pa sa report ng Laos News Agency.
Kaagad na kinansela ni Prime Minister Thongloun Sisoulith ang kanyang mga lakad at nagpunta sa Sanamxay district na siyang pinaka-apektadong lugar.
Sinumulan na rin ang pamamahagi ng mga damit, pagkain at potable water sa mga biktima ng trahedya habang nagpapatuloy ang search and rescue operations ng mga otoridad.
Ang gumuhong 410-megawatt capacity dam ay nakatakda sanang magsimula ng kanyang commercial operations sa taong 2019.
Ang pagtatayo nito na sinimulan noong 2012 ay pinondohan ng isang Thai company kung saan 90-percent ng mapo-produce na kuryente ng dam ay bibilhin sana ng bansang Thailand.