“Walang permanente”.
Ito ang pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa pagsibak kay Congressman Pantaleon Alvarez bilang lider ng Kamara.
Sinabi ni Morales na iyon ang napagdesisyunan ng mas nakararami at magluklok ng bagong house speaker.
Aniya, wala siyang pakialam ngayong pinamumunuan na ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang Kamara.
Nang tanungin ng mga mamamahayag kung ano ang kanyang naging reaksyon sa pagpili kay Arroyo bilang pinuno ng Kamara sinabi ng opisyal ang salitang “dedma”.
Matatandaang naghain ang Office of the Ombudsman sa ilalim ng pamumuno ni Morales ng kasong plunder noong 2012 laban kay Arroyo at iba pa dahil sa umano’y iregularidad sa paggasta ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Umaabot sa P366 Million ang umano’y nalustay na pondo ng PCSO.