Kinastigo ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinahayag ni Sison na hindi ipinakita ng Pangulo ang tunay na lagay ng bayan. Wala rin daw ipinakitang pagsisisi si Duterte sa mga pangako niya noong kampanya na hindi niya natupad.
Ipinunto din ni Sison na hindi binanggit ng Pangulo sa SONA ang Proclamation 360 na nagbabasura sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa National Democratic Front of the Philippines. Aniya, ayaw tugunan ni Duterte ang rebelyon sa pamamagitan ng reporma para sa kapayapaan.
Sinabi rin ng komunistang lider na nais ng Pangulo na magtatag ng diktadurya sa pamamagitan ng pagsulong ng federalismo sa bansa.
Maliban dito, kinwestyon din ni Sison ang sinseridad ni Duterte sa pakikiramay sa mga naapektuhan ng gyera sa Marawi City. Aniya, ginamit ng Pangulo na pagkakataon ito para ideklara ang batas-militar sa Mindanao.
Kaugnay nito, naniniwala si Sison na ang tunay na estado ng bayan ay ang mga ipinaglalaban ng mga militanteng grupo. Ayon sa komunistang lider, ito ay ang paglala umano ng kalagayan ng ekonomiya, ang pagdami ng namatay sa gyera kontra droga, pakikipag-alyansa umano ng Pangulo sa mga tiwali at pagiging tuta umano ni Duterte sa United States sa pagsuko umano ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa China.