May-ari ng baril na ginamit sa pagpatay sa 2 Chinese officials hawak na ng PNP
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police si Theodore Calavera ng Valenzuela City na sinasabing may-ari ng .45 Cal. Pistol na ginamit sa pamamaril sa tatlong opisyal ng Chinese Consulate sa Cebu City kamakailan.
Sinabi ni CSupt. Wilben Mayor, spokesperson ng PNP na mahalagang malaman ang mga impormasyon kung paanong napunta sa mga suspects na sina Li Qing Li at Guo Jing ang nasabing baril na isang .45 Cal. Colt Defender.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Crime Lab, tumugma ang serial number ng nasabing baril sa armas na nakapangalan kay Calavera.
Sa paunang pagsisiyasat ng Firearms and Explosive Division ng PNP, sinabi ni Calavera na ibinenta niya ang nasabing baril sa isang nagngangalang “Mago” pero bigo naman siyang maipakita ang deed of sale.
Ipinaliwanag ni Mayor na hindi basta dapat ibenebenta ang isang baril sa isang indibiduwal dahil kinakailangang maka-sunod ng isang buyer sa mga requirements para sa gun ownership na itinaktakda ng PNP.
Sa nasabing pamamaril ay napatay sina Consul Sun Shan at Consul Finance Officer na si Hui Li.
Sugatan naman at kasalukuyan pa ring nasa ospital si Chinese Consul General Song Ronghua na sinasabing tunay na target ng mga suspects.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.