Iba’t ibang mga armas, kumpiskado sa loob ng Bilibid

firearms
Inquirer file photo

Nasabat ng mga otoridad ang ilang high-powered na mga armas, bala at isang drone matapos magsagawa ng raid sa isang dormitoryo sa New Bilibid Prison (NBP).

Natagpuan ang mga armas at bala sa isang bodega sa dormitoryo.

Isinagawa ang raid matapos mapatay sa loob ng dormitory 9 ng maximum security compound ang isang convicted killer na si Charlie Quidatu nang barilin ito ng kaniyang kakosang si Ronald Catapang.

Dagdag pa ng source, bukod sa mga baril at bala, nauna nang may narekober na isang Parrot AR Drone 2.0 noong October 21 matapos matunugan ng mga pulis na may gumagamit nito sa loob ng prison compound.

Ang nasabing drone na nagkakahalaga ng hindi bababa sa $299 hanggang $400 ay may dalawang nakakabit na camera at kayang kontrolin gamit ang smartphone o tablet.

Kabilang sa mga nakumpiskang armas ay 9mm Taurus, Glock 17, Walther P99, Springfield, dalawang .40 cal pistol, .45 cal Raven, .45 cal Colt at dalawang 9 mm Browning kasama na rin ang 350 rounds ng bala para sa iba’t ibang baril.

Nasamsam rin sa raid ang mga alahas na gawa sa ginto at mamahaling bato, mga patalim, dalawang antenna signal boosters, dalawang refrigerators at isang listahan na hinihinalang may kinalaman sa transaksyon ng iligal na droga.

Dalawang tama ng bala sa dibdib at hataw sa ulo ang ikinamatay ni Quidatu.

Ayon kay Catapang, nagtalo sila ni Quidatu dahil ayaw niyang sundin ang utos ni Quidatu na batuhin niya ng granada ang mga nakatatanda o nakatataas na mga miyembro ng Commando Gang na nagpupulong.

Bukod sa .357 magnum na ginamit ni Catapang para barilin si Quidatu, narekober din ng mga pulis ang isang MK4 fragmentation grenade.

Read more...