DILG Sec Mar Roxas masaya na sa 6% na pagtaas sa Presidential Survey

PNOY mar dot netKahit six percentage points lang ang itinaas sa survey para sa mga sinasabing Presidential Preference sa 2016 elections, labis na itong ikinagalak ni Interior Secretary Mar Roxas.

Sinabi nito na ang anim na porsiyento ay 150 percent na pagtaas sa kanyang rating kumpara sa 4 percentage points na kanyang nakuha noong nakaraang Marso.

Binanggit nito na dahil sa nangyari, mas tumibay pa ang kanyang paninindigan na paghandaan ang pagpapatuloy ng mga repormang nasimulan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Kumpiyansa ang kalihim na sa eleksyon sa susunod na taon ang magiging tunay na pamantayan ay ang paglilingkod ng may buong katapatan at hindi kung sino ang popular.

Sinabi din nito na nasa tamang direksyon para sa kanya ang itinatakbo ng survey dahil may isang taon pa bago ang paparating na eleksyon.

Isinagawa ang survey ng Pulse Asia noong nakaraang Marso at dahil sa pagtaas ng labing anim na porsiyento naungusan na ni Senadora Grace Poe si Vice President Jejomar Binay na bumaba pa ng pitong porsiyento ang rating.

Si Roxas ang sinasabing napipisil ni Pangulong Noynoy Aquino na maging standard bearer ng Liberal Party, samantalang ibinunyag naman ni Poe na sinuyo na siya ni Roxas na magtambal sila sa eleksyon sa 2016.

Kapwa hindi pa ibinubunyag nina Roxas at Poe ang kanilang plano sa susunod na taon.- Jan Escocio

 

Read more...