San Miguel Beermen pasok na sa PBA Finals

Nasungkit na ng San Miguel ang isa sa dalawang pwesto sa finals ng PBA Commissioner Cup.

Ito ay matapos talunin ng Beermen ang Alaska sa Game 4 ng kanilang semifinals series sa iskor na 104-99 kagabi sa Araneta Coliseum.

Dahil dito, may pagkakataong muli ang San Miguel na idepensa ang kanilang korona habang ito na rin ang pang-40 beses nilang pagpasok sa championship round ng torneo.

Ayon kay San Miguel Coach Leo Austria, simula pa lamang ng laban nila kagabi ay nakita na niyang handang handa ang kanyang koponan na tapusin na ang laban.

Isa anyang kahihiyan ang pagkakatalo nila sa Game 3 noong Biyernes kung saan lamang ang Alaska sa kanila ng 21 puntos sa iskor na 125-104.

Pinangunahan ni reigning four-time MVP June Mar Fajardo ang Beermen matapos magtala ng 26 points at 12 rebounds na sinundan ni Renaldo Balkman na may 23 points at 16 rebounds.

Nanguna naman para sa Aces si Diamon Simpson sa kanyang 24 points.

Hihintayin na lamang ng San Miguel ang mananalo sa laban ng Barangay Ginebra at Rain or Shine bukas na kanilang makakaharap naman para sa finals.

Kasalukuyang nangunguna ang Gin Kings sa kanilang semi-finals series.

Read more...