Bahagyang bumagal ang kilos ng bagyong Josie habang papalabas ng bansa.
Sa 11PM press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 375 kilometro Hilaga-Hilagang Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.
Kumikilos na ito ngayon sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Hilagang-Silangan at lalabas ng bansa umaga ngayong araw.
Patuloy na pinalalakas ng bagyong Josie ang Habagat na nagpapaulan pa rin sa Kanlurang bahagi ng Luzon.
Makararanas pa rin ng kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan dulot ng Habagat ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.
Mapanganib pa rin ang paglalayag sa northern seaboard ng Northern Luzon.
Samantala, malapit na ring pumasok ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na ngayon ay nasa layong 1,295 kilometro Silangan ng Southern Luzon na.
Inaasahang papasok na ito ng bansa ngayong araw at magiging isang ganap na bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Sakaling pumasok na ito ng PAR at maging ganap na bagyo ay tatawagin itong Bagyong Karding.