Pagbaba sa pwesto ni Duterte sa 2019, kasinungalingan – Trillanes

Malaking kasinungalingan ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na bababa siya sa pwesto sa 2019 kapag naisulong ang Charter change (Chacha) at nabago na ang kasalukuyang porma ng gobyerno patungo sa Pederalismo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV na bitag lamang ito ng pangulo para maengganyo ang mga mambabatas para mabago ang saligang batas at manatili pa sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino sa 2022.

Sinabi pa ni Trillanes na kapag pumayag ang taong bayan sa Chacha, maglalagay ng transitory provision kung saan palalakisin at palalawikin pa ang kapangyarihgan ng Office of the President.

Ayon kay Trillanes, target ng pangulo na magkaroon ng legislative at judicial powers gaya noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Una rito, sinabi ng pangulo na bababa siya sa pwesto sa 2019 kapag nagkaroon na ng pederalismo at maghahalal ang taong bayan ng isang transition leader.

Read more...