SONA ni Duterte: Ano gusto mong pakinggan? sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo
Tatlong taon na tayo sa liderato ni Pres. Duterte at magkahalong papuri at batikos ang naririnig natin. Sa opisyal na poll surveys; 88% ang approval rating ni Duterte sa Pulse Asia, pero 65% satisfaction lang siya sa SWS.
Sa traditional media at maging sa social media, walang tigil ang “hate campaign” laban kay Duterte at pagsalag naman ng kanyang mga defenders. Lalo na sa mga survey sa isyu ng China, 29% ang nagsasabing traydor ang di pagprotesta ni presidente samantalang mas nakarami o 43% ang nagsasabing hindi.
Sa nakaraang dalawang taon, pinaka-importante ay ang pagsoli niya ng P173-B na withholding tax ng gobyerno sa lahat ng mga nagtatrabaho at pagbaba ng taun-taon nating buwis. Ika nga, nagkaroon ng “disposable money” ang lahat ng pamilya nila. Libreng matrikula sa lahat ng state colleges and universities. Ang pagpapauwi sa mga daan-daang libong “undocumented ofws” mula sa Middle east nang walang bayad at meron pang tulong panghanapbuhay, ang pag-upak sa mga malalaking tax evaders tulad ng Mighty Corp na nagbayad ng P40B, Lucio Tan P6B.
Sumunod ang pagbaba ng crime rate sa 38% kung saan hindi na mga inosenteng sibilyan ang napapatay araw-araw kundi mga kriminal na. Ang pagdoble ng sweldo ng mga pulis at sundalo, ang walang na tigil na kampanya ng PNP counter-intelligence para hulihin, ikulong, tanggalin ang mga “corrupt” at abusadong mga pulis, ang pagiging “regular” ng 350,000 na endo workers sa mga malalaking kumpanya na aabot daw sa 600,000 pagsapit ng Disyembre.
Nariyan ang bilyun-bilyong pisong pondo ng PAGCOR at PCSO na papunta sa gamot at pagpapaospital ng mga mahihirap na dati’y napupunta lang sa President’s Social Fund. Libreng “irrigation fees” sa mga magsasaka. Ang “validity ng passport” na ngayo’y 10 years na at ang driver’s license ay 5 years na rin. Pensyon ng SSS tumaas ng P2,000 bawat buwan.
Sa wakas ang MRT3, nabawasan na ang breakdown. Ang NAIA terminal 1,2 at 3 maganda na rin ngayon pati iyong bago sa Cebu. Ginagawa na ang Skyway3 dadaan sa Araneta Ave., mula NLEX papunta ng SLEX. Kasunod nito ang NLEX-SLEX connector road na dadaan sa ibabaw ng riles ng PNR train mula C3 papunta ng PUP na kapag nagawa ay di ka na dadaan sa Edsa. May dalawang tulay na gagawin sa Pasig River, Mega subway ng Japan. Tumahimik ang Mindanao dahil sa Martial law at isinara ang Boracay para linisin atbp. Wala siyang-kaibigan kamag-anak. Sibak agad at bahala ang Ombudsman na kasuhan ito.
Sa kabilang banda, maraming inaaway itong Presidente natin. Pati Diyos , tinawag na “stupid” bukod pa sa tinarayan din ang Amerika, ang UN human rights commission. Bukod dito, maraming anomaly ang natutuklasan ng COA sa mga ahensya ng kasalukuyang administrasyon. Nariyan din ang pangamba ng maka-kaliwa sa umano’y militarisasyon samantalang ang oposisyon naman ay nagbabanta ng umano’y diktadurya ni Duterte. Nariyan din ang mga puna sa pedralismo at chacha.
Sa kabuuan, masasabi nating “extremes” ang pinagdadaanan ng bansa ngayon. Matindi ang propaganda ng magkabilang panig ng ating lipunan, mga pro at anti-Duterte. Gayunman, ang mahalaga sa atin siyempre ay ang mga nagagawa at gagawin pa ng gobyerno. Ngayong SONA 2018, ano ang kanyang prayoridad?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.