Bagyong Josie napanatili ang lakas ngunit bahagyang bumilis

Bahagyang bumilis ang pagkilos ng ‘Tropical Depression Josie’ habang patungo sa Extreme Northern Luzon.

Sa 6AM press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 155 kilometro Hilagang-Silangan ng Calayan, Cagayan.

Sa ngayon ay taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 60 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.

Bumilis ang pagkilos nito sa 35 kilometro kada oras at kumikilos sa direksyong Hilagang-Silangan at inaasahang lalabas na ng bansa bukas ng hapon.

Patuloy na hinahatak ng bagyo ang Habagat na nagdadala ng pag-uulan sa Western Sections ng Luzon.

Nakataas na lamang ang signal no. 1 sa Batanes, Northern Cagayan kabilang na ang Babuyan Group of Islands.

Inaasahan ang mga pag-uulang may dalang malalakas na hangin sa Batanes at Babuyan Group of Islands.

Katamtaman hanggang sa malalakas na pag-uulan naman ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON at Mindoro Provinces bunsod ng Habagat.

Mahihina hanggang sa katamtamang mga pag-uulan na minsan ay may kalakasan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.

Magandang panahon naman ang mararanasan sa Mindanao.

Samantala, isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR)ang patuloy na binabantayan ng PAGASA na may posibilidad na maging bagong bagyo.

Read more...