Pagdukot sa kaniya ng INC, kinumpirma ng isang dating ministro

Kinumpirma ni dating Iglesia ni Cristo Lowell Menorca na siya at kaniyang pamilya ay dinukot at hindi napayagang makalabas mula sa loob ng INC compound sa Central, Quezon City.

Sa video na ipinadala ni Menorca sa Inquirer.net, sinabi rin ni Menorca na ang kaniyang mga bahayag noon na siya ay hindi dinukot ay pawang kasinungalingan lamang at scripted.

Partikular na tinukoy ni Menorca na ‘scripted’ ang pahayag niya noon sa Net 25. “Sa pagkakataong ito nais ko pong gamitin ang videong ito para ihayag ang katotohanan. Marahil nakita n’yo na po akong magsalita sa isang video ng Net 25. Sa pagkakataong ito gusto ko pong sabihin na ‘yun po ay scripted,” ayon kay Menorca.

Sinabi ni Menorca na ang mga naging pahayag niya noon ay utos sa kaniya ng pamunuan ng INC.

Binanggit din ng dating ministro na nanganganib noon ang kapakanan ng kaniyang pamilya. “Kaya lahat po ng narinig n’yo sa interview na ‘yun at lahat pang mga interview, lahat po ay scripted. Ako po ay nagsalita dahi sa ‘yun po ang pinasabi sa akin dahil sa nanganganib po ako para sa aming kapakanan, sa kapakanan ng aming sambahayan,” dagdag pa ni Menorca.

Si Menorca ay isa sa mga tinukoy ni Isaias Samson Jr., na dinukot umano sa Sorsogon at dinala sa kinulong sa Cavite.

Sa nasabi ring video ni Menorca, sinabi niyang ikinulong siya sa INC central compound mula July 25 hanggang October 21.

Noong panahon na iyon sinabi ni Menorca na napigil ang kanilang kalayaan, hindi sila pinapayagang tumanggap ng bisita at hindi pinapayagang gumamit ng kahit na anong gadget gaya ng cellphone, camera at iba pa. “Wala kaming kalayaang makaalis o pumunta sa kung saan namin gusto. Wala kaming karapatang tumanggap ng bisita, kailangan pang humingi ng approval, at dumating pa ang pagkakataon na ipinagbawal maging ang pagbisita sa amin. Ang cell phone, camera, at mga gadgets ipinagbawal din. Lahat ng ito ginawa nila sa amin ng labag sa aming kalooban. Kung ito po ay hindi labag sa karapatang pantao, marahil hindi po ako magsasalita sa inyo,” ayon kay Menorca.

Sinabi ni Menorca na pinilit niyang manatiling tahimik para sa integridad ng INC pero nagpasya siyang sabihin na ang totoo dahil sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng kanilang mga liders.

Binanggit ni Menorca na sa susunod na linggo sa isang pulong balitaan ay sasabihin niya ang iba pang mga detalye kaugnay sa pagdetine sa kaniya at kaniyang pamilya.

Read more...