Itutuloy ng Department of Finance ang paghabol sa mga dating opisyal ng pamahalaan na nakinabang sap ag-iisyu sa P11.18 Billion tax credit certificates (TCCs) sa ilang non-existent na textile companies sa bansa.
Sinabi ng DOF na naganap ang nasabing mga transakyon sa pagitan ng 2008 hanggang 2014.
Ipinaliwanag ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na isnag task force na ang kanyang binuo para kasuhan ang mga dating opisyal at mabawi ang nasabing pera ng bayan.
Sinabi ng kalihim na nakatutok ang nasabing task force sa imbestigasyon sa pagbibigay ng tax credits sa 33 mga textile companies sa ilalim ng One-Stop Shop Inter-Agency and Duty Drawback Center (OSS).
Sa ulat na inilabas ng Commission on Audit noong July 6, 2018, kanilang sinabi na 3,231 TCCs ang naipamahagi simula 2008 hanggang 2014.
Umaabot sa P8.8 Billion ang sinasabing nai-released bagaman ito ay overstated at walang kaukulang mga dokumento.
Sa kabuuan ay 33 mga fictitious companies at 29 na mga claimants ang nakakuha ng malaking halaga kahit na wala naman silang naipakitang katibayan ng actual payments ng duties at taxes para sa kanilang ginawang pag-eexport na siyang basehan ng tax credits.
Nadiskubre rin ng DOF na mayroong apat na claimants ang nakakubra ng P2.3 Billion na TCCs kahit sampung taon nang expired ang kanilang registration.
Tiniyak pa ni Dominguez na wala silang sasantuhin sa kanilang gagawing imbestigasyon.