Inday napanatili ang lakas habang papalabas ng bansa; bagong LPA, namataan sa Kanluran ng Ilocos

Napatili ng bagyong Inday ang lakas nito habang papalabas ng bansa.

Batay sa 11pm advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 925 kilometro Silangan-Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 90 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa direksyong Hilaga-Hilagang-Kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras at inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw.

Patuloy na hahatakin ng bagyo ang hanging Habagat na magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-uulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Bataan, Bulacan Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac at Zambales.

Mahihina hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

Samantala, bagaman papalabas na ng bansa ang bagyong Inday, isang low pressure area (LPA) naman ang binabantayan sa labas ng PAR.

Huling namataan ang sama ng panahon sa layong 380 kilometro Kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte at inaasahang papasok ng bansa ngayong araw.

Inaasahang makakaapekto ang LPA sa Hilaga at Gitnang Luzon.

Read more...