Bilang ng pamilyang nagsabing sila ay mahirap, tumaas ayon sa SWS survey
Pumalo sa 48 percent o 11.1 milyon ang bilang ng mga pamilyang Filipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang ‘mahirap’ batay sa 2nd quarter survey ng Social Weather Stations (SWS).
Mas mataas ang naturang bilang ng anim na porsyento kumpara sa 42 percent o 9.8 milyong pamilya na naitala noong 1st quarter o March 2018.
Ito na rin ang pinakamataas na naitala simula sa 50% noong March 2017.
Pinakamalaki ang naitalang pagtaas sa self-rated poverty sa Mindanao na tumaas ng 18 points; 13 points naman ang itinaas sa NCR at Visayas at bahagya naman ang naging pagbaba sa Balance Luzon sa 5 percent.
Dahil dito mula sa 42 percent noong March 2018 ay pumalo na sa 60 percent ang nagsabing sila ay mahirap sa Mindanao. Ito ang pinakamataas na naitala mula noong September 2015 na mayroong 70 percent.
Samantala, batay din sa nasabing suvey 34 percent ng mga pamilya ang nagsabing sila ay food-poor. Mas mataas ito ng 5 percent sa 29 percent na naitala noong March 2018.
Lumalabas sa Self-Rated Poverty Threshold (SRPT) na kailangan ng mga pamilya kada buwan ng P20,000 sa Metro Manila, P15,000 sa Balance Luzon, P11,000 sa Visayas at P15,000 sa Mindanao para hindi maikonsidera ang sarili bilang mahirap.
Isinagawa ang survey mula June 27 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino adults sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.