CIDG mistulang naabswelto sa utos ng DOJ na isulong ang kaso vs Kerwin Espinosa, et al
Pakiramdam ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ay naabsuwelto ang PNP-CIDG sa anunisyo ng Department of Justice (DOJ) na maaring malitis sa kasong may kinalaman sa droga si Kerwin Espinosa, Peter Co at ilan pa nilang kasabwat.
Sinabi ni Albayalde patunay lang ito na tama lang ang naging hakbang ng PNP CIDG na kasuhan si Espinosa, Co, Marcelo Adorco, Lovely Impal at Ruel Malindagan base sa merito ng mga ebidensiya at testimoniya na kanilang nakalap.
Magugunita na noong Marso, ibinasura ng DOJ Preliminary Investigation Panel ang kasong illegal drug trade na isinampa ng PNP laban kina Espinosa dahil sa umano ay mahinang ebidensiya.
Naging basehan ng kaso ang pagturo ni Adorco kina Co at Peter Lim bilang source ng droga na kumakalat sa Kabisayaan.
Noong Huwebes, inirekomenda ng bagong panel of prosecutors na may basehan para kasuhan sina Espinosa matapos nilang muling busisiin ang mga isinumiteng impormasyon.
Naaresto sa Abu Dhabi, United Arab Emirates si Kerwin noong October 2016 at makalipas ang isang buwan ay napatay naman ang kanyang amang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., sa loob ng kulungan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.