Basurang itinapon mo babalik sa ‘yo.
Ito ang leksyon, ayon sa EcoWaste Coalition, na muling napapatotohanan sa maraming lugar sa Metro Manila na binaha dahil sa halos walang tigil na pag-ulan.
Kasabay nang pagbaha sa mga kalsada ay ang paglutang ng ibat-ibang uri ng basura.
Para patunayan ang kanilang paalala, nagpunta ang grupo sa Manila Bay breakwater kung saan nakolekta ang ibat-ibang basura tulad ng plastic bags, disposables, tsinelas, kahoy at water hyacinth.
Sinabi ni Daniel Alejandre, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste, dapat higpitan ang pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003).
Gayundin aniya ang ibang batas kontra polusyon tulad ng Clean Air Act at Clean Water Acts, para protektahan ang kalusugan ng tao at ang kalikasan.
Dagdag paalala pa nito maraming bagay na araw araw ginagamit ang maaring muling magamit o mapakinabangan tulad ng papel, karton, plastic bottles at aluminum cans, samantalang ang mga biogradable wastes naman ay maaring ipakain sa mga hayop o gawing abono.