Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Health Sec. Francisco Duque III, 561 naman ang naitalang nadala sa ospital dahil sa nasabing sakit.
Payo ni Duque sa publiko agad magpatingin sa ospital kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis.
“Ang leptospirosis ang cases natin ang naospital ang total natin 561, madami talaga, 73 ang pumanaw, dahil nga masyado nang huli nung sila ay magpatingin. Eh iyan eh may sintomas iyan, kapag nagkalagnat ka ng mataas, sumakit ang ulo mo, may pamumula ang mata mo, yun ang kaibihan eh, dapat ay punta na, wag nang hintaying manilaw ang balat. Kasi kapag nanilaw ang balat ibig sabihin may tama na ang iyong atay,” ayon kay Duque.
Ani Duque ang naitalang kaso ng leptospirosis ngayon ay mas mataas na ng 275 percent kumpara noong nakaraang taon.
Sinabi ni Duque na maituturing na high-risk sa nasabing sakit ang mga taong nakatira sa mga lugar na laging binabaha.
Maging ang mga nagtatrabaho sa disaster preparedness at lagi ring lumulusong sa baha.
“Mataas to malaki, 275 percent higher, malaki talaga, kasi nga kakaiba talaga ang mga ulan natin, minsan walang patid. Minsan buong linggo eh umuulan. Lalo na nung mga Hunyo noong kasagsagan ng pagbaha yun din ang pinakamataas na bilang ng leptospirosis cases natin,” dagdag pa ni Duque.