Sa dalawang pahinang kautusan, nagpalabas ng writ of amparo at writ of habeas corpus laban kay INC Executive Minister Eduardo Manalo at inatasan itong humarap sa Court of Appeals kasama ang mga miyembro at ministro na pinipigilan ng labag sa kanilang kalooban.
Ang nasabing desisyon ng SC ay tugon sa petisyon na inihain ni Anthony Menorca at Jungko Otsuka. Si Anthony ay kapatid ni Brother Lowell Menorca na umano ay itinatago sa loob ng INC center office sa Quezon City, kasama ang kaniyang asawa, anak at kasambahay. “Considering the allegations contained, the issues raised and the arguments adduced in the petition, it is necessary and proper to issue the writs of amparo and habeas corpus prayed for,” ayon sa Korte Suprema.
Maliban kay Bro. Menorca, sinabi ng SC na dapat iharap ni Manalo sa pagdinig sa CA sina Jinky Otsuka-Menorca, Yurie Keiko Otsuka at Abigail Yamson na gaganapin sa November 3, 2015, alas 10:00 ng umaga.
Inatasan din si Manalo at iba pang respondents na magsumite ng komento sa nasabing petisyon sa pamamagitan ng ‘verified return’ ng writ of amparo at writ of habeas corpus sa loob ng limang araw.
Sa nasabing pagdinig ng CA tutukuyin kung talagang ang pamilya ni Menorca ay napipigilan ang kalayaan.
Kasama sa respondents sa petisyon ni Jungko at Anthony sina Radel Cortez, Bienvenido Santiago, at Rolando Esguerra.
Ang writ of amparo ay inihahain sa korte para hilingin ang kalayaan ng taong napipigilan ang right to life, liberty at security.
Habang ang habeas corpus naman ay legal action ng isang tao na biktima ng unlawful detention.